"Siguro ay mas magandang umpisahan ko ito noong unang magkita ang mama at papa mo, makinig ka lang at huwag ka na munang magsasalita hanggat hindi ako natatapos mag-kwento."
              "Opo tito makikinig lang po ako."
              At nagsimulang isalaysay ni Eric ang mga pangyayari nang unang magkita ng mga magulang ni Xandro.
               Mabuti naman at nakuha ko na ang aking lisensya sa pagpapalipad ng eroplano at ngayon ay pwedeng-pwede na akong  magpalipad ng eroplano nang  mag-isa, sa wakas ay makakalipad na ako sa kahit saan ko gustong puntahan.  Masayang-masaya si Henry  
habang nagpapalipad ng eroplano sa itaas nang naglalakihang bundok.  Nauhaw siya kaya binuksan at ininom niya ang dala niyang C2.  Maya-maya ay may napansin siyang isang napakalaking puting bahay sa isang bundok na punong-punon ng mga puno.  Napakagandang pagmasdan ng bahay na 'to mula sa eroplanong pinapalipad ni Henry, kaya nagpasya siyang paliparin ang kanyang eroplano malapit dito.  Pagkalapit niya ay bigla na lang nagliparan ang napakaraming ibon at hindi na niya malaman ang gagawin dahil nagliparan ito patungo sa harapan ng kanyang eroplano.  Pilit niyang iniwas ang eroplano sa mga ibon subalit naramdaman niyang  may kung anong sumabit sa harapan ng eroplano niya at bigla na siyang nahirapang i-control ito. Bumulusok paibaba ang eroplano at nagpaikot-ikot. Nahulog si Henry mula sa minamanehong eroplano pababa malapit sa napakalaking bahay. Naramdaman ni Henry ang malakas na hangin habang patuloy ang pagbagsak niya sa lupa, takot na takot siya at sa pakiramdam niya ay ito ang kanyang katapusan.  Nasa may himpapawid pa rin siya pero naramdaman niyang tumigil siya sa pagbagsak. Paglingon niya sa may kanan ay nakita niya ang pinakamagandang babaeng nakita niya sa buong buhay niya.  Maya-maya ay napansin niyang may mga puting pakpak ang napakagandang babaeng ito. Mahaba ang buhok nito at nakasuot ng mahabang puting damit hangang talampakan. Kahit takot na takot siya para sa kanyang buhay ay hindi niya mapigilang ngumiti sa animo'y tila anghel na babaeng lumilipad. Nakatitig lang si Henry sa magandang mukha ng babae habang hawak-hawak siya nito at lumilipad pababa malapit sa napakalaking bahay.  Nabighani si Henry sa angking kagandahan ng babaeng lumilipad.  Maya-maya ay naramdaman na niyang unti-unting sumasayad ang mga paa niya sa lupa.  Matapos ay dahan-dahan siyang binitawan ng babae, ngumiti ito sa kanya.  Hindi pa rin makapagsalita si Henry, titig na titig pa rin siya sa magandang mukha ng kanyang tagapagligtas.  Napakaganda at napakabango ng babae.  Ano kaya ang gamit nitong perfume, tanong ni Henry sa sarili niya.  Maya-maya ay bahagyang umaangat uli ang babae, umaangat ng umangat at ilang sandali lang ay marahan itong lumipad ng patayo at paatras, umatras pa ito nang umatras at nagitla si Henry sa nakita sa malapit sa harapan niya.  Unti-unting lumipad ang napakagandang babae pababa sa isang kalahating putol na katawan.   
Matapos muling magkadugtong ang dalawang putol na bahagi ng katawan ng babae ay unti-unting naglaho ang dalawang pakpak nito. Nanlaki ang mga mata ni Henry nang maunawaang ang babaeng nagligtas sa kanya ay isang manananggal. 
          "Isa kang mananggal!" napasigaw si Henry sa sobrang gulat nito.  Maya-maya ay dahan-dahang lumapit sa kanya ang babae.
          "Huwag kang lumapit sa akin, huwag!" napaatras si Henry nang napaatras at pagkatapos ay biglang kumaripas nang takbo palayo sa napakagandang manananggal.  Tumakbo siya nang tumakbo nang hindi lumilingon, hindi niya alam kung saan siya tutungo.  Malayo-layo na ang natatakbo niya gamit ang kanyang Adidas Shoes.  Takot na takot siya sa kanyang nasaksihan. Tumakbo pa siya nang tumakbo hanggang sa dahan-dahan na siyang napagod, natumba  at napaluhod.  Sa di-kalayuan ng kinaluluhuran niya ay nakita niya ang umaapoy, nagkalasug-lasog at nagkahiwa-hiwalay na mga bahagi ng kanyang maliit na eroplano.  Hingal na hingal pa rin siya sa kakatakbo kanina habang pinagmamasdan ang natira sa kanyang eroplano.  Maya-maya nang unti-unti nang mawala ang kanyang nararamdang pagod ay napaisip siya ng malalim.  Kung hindi ako iniligtas ng babaeng iyon ay marahil naging katulad na rin ako ng umaapoy at nagkaputol-putol kong eroplano. 
           Baka naman hindi talaga siya masama, baka may dahilan kung baket ako napadpad sa lugar na 'to. Tumayo siya at nilingon ang kanyang pinagmulan.  Dapat kong balikan ang babaeng 'yon para man lang mapasalamatan ito sa pagkakaligtas niya sa akin sa tiyak na kapahamakan.  Naglakad siya pabalik, binilisan niya ang paglalakad kahit medyo natatakot pa rin siya sa kung anong pwedeng mangyari sa oras na magkaharap silang muli. Nang malapit na siya sa malaking bahay ay nakita niya ang babae, nakaupo sa harap ng pabilog na mesa at umiiyak habang nakatungo ang ulo nito. Pinagmasdan muna niya ang babae at ang buong kapaligiran tapos ay dahan-dahan niya itong nilapitan.  Napansin agad siya ng babae, pilit nitong itinigil ang kanyang pagtangis at pinagmasdan siyang mabuti, hindi nagsasalita.  Tumayo si Henry sa kabilang bahagi ng bilog na mesa. 
          "Bumalik ka, hindi ka na ba natatakot sa 'kin?" tanong ng magandang babae kay Henry.
           "Hindi na, kunti na lang siguro," nag-aalangang sagot ni Henry.
           "Ayaw mo bang maupo, natatakot ka bang kainin kita, ha?"
           "Kung hindi mo ako iniligtas kanina ay marahil wala na rin ako, kaya kung kakainin mo man ako ngayon ay wala  akong karapatang magalit, magtatampo lang siguro nang kunti," nag-aatubiling biro nito.
           Napangiti nang bahagya ang magandang babae sa narinig kay Henry.
           "Maupo ka, siguro naman napapansin mo na hindi bagay sa hitsura ko ang kumain ng tao."
            "Oo naman, talagang hindi bagay," mabilis na sagot ni Henry habang umuupo sa harap ng babae.
            "Hindi naman talaga ako kumakain ng tao, poro prutas lang at mga alaga kong manok at kambing ang kinakain ko araw-araw," paglalahad ng magandang babae.
            "Talaga... kumakain ka ng manok at kambing?" tanong ng naka-Jag Jeans na si Henry.
             "Oo, pero bago ko ito kainin ay sinisiguro kong lutong-luto na ang mga ito at masarap ang pagkakatimpla. Nilalagyan ko pa nga ng Ajinomoto, Maggi Magic Sarap at Ajiginisa para siguradong masarap na masarap," nag-aalangang biro ng babae habang nakatingin sa mukha ni Henry.
             "Ah... mabuti naman pala kung ganon at ligtas na ako."
             "At huwag kang matakot dahil hindi rin napuputol ang katawan ko tuwing kabilugan ng buwan, nangyayari ito kung wala na akong ibang mapagpilian at kung talagang kailangan lang tulad nang kanina, nang makita kitang nalaglag mula sa sinasakyan mong eroplano," paliwanag pa muli nito.
             "Ganon ba, ang ibig mo bang sabihin  ay ganyan... ganyan ka na lang kaganda palagi, buo ka at hindi na muling mapuputol sa harapan ko?" nagmamadaling tanong ni Henry.
             "Baket, mahuhulog ka pa bang muli, mula sa iyong  eroplano?" sagot agad nito.
              "Ah hindi, last na talaga 'yon, basta pangako mo hindi ka na ulit mahahati ha."
               "Oo."
               "Peksman?" 
               "Oo sabi eh, ang kulit mo naman."
               "Baket ayaw mo ba sa makulit, ha?" 
               Tiningnan at nginitian lang siya ng magandang babae.
               "Sandali, ano nga palang pangalan mo, ha?"
               "Aryanna, ako si Aryanna," pagpapakilala nito.
               "Ang ganda-ganda pala ng pangalan mo, parang ikaw maganda rin. Siyanga nga pala, may ibang mga kasama ka pa ba rito?" tanong muli ni Henry habang inaalam kung anong oras na sa kanyang Rolex Watch.
              "Hindi, ako lang mag-isa dito, matagal na."
              "Ibig mong sabihin tayong dalawa lang ang nandito?"
              "Oo," sagot naman agad ni Aryanna.
              "Nakakatakot naman..." pabulong na biro ni Henry.
              "Halika, pasok tayo sa bahay mo," anyaya ni Henry sa may-ari ng malaking bahay na puti na pininturahan gamit ang Boysen Paint.
              "Baket ano bang gusto mong gawin sa loob ng bahay ko, ha?" nagtatakang tanong ni Aryanna na gumagamit ng Knorr tuwing 
nagluluto ng sinigang.
              "Maglalaro tayo, takutan..." biro ni Henry. "Hindi, 'di ba sabi mo nagluluto ka ng manok at baboy, baka pwede mo akong pakainin muna, nagutom at  nauhaw kasi ako sa kakatakbo ko kanina," paliwanag pa nito.
              "O sigi halika sa loob at ipaghahain kita."
          Matapos nilang kumain at mga ilang araw na usapan, kwentuhan at kulitan, si Henry at si Aryanna ay hindi na masyadong naglalabas ng bahay.  Sa madaling salita, makalipas ang mga sampung buwan, nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng isang napakalusog at napaka-guapong batang lalake.
          Makalipas pa ang isa at kalahating-taon lalong lumusog at gumuapo ang batang lalakeng pinangalanan nina Henry at Aryanna ng Xander.  "Xander aalis muna ang daddy ha at bababa lang muna ako sa bayan para ibili ka ng Johnson's Baby Oil, Johnson's Baby Powder, Bona at mga Baby Clothes, gusto mo nang mga 'yon no..." sabi ni Henry.
         "Bumalik ka agad Henry, baka mamaya hanapin ka agad ni Xander alam mo namang hindi mapakali ang anak natin pag hindi ka niya nakikita," paalala ni Aryanna na gumagamit ng Tide tuwing lalabhan niya ang mga damit ni Xander.
          "Baka ang ibig mong sabihin ay ikaw ang hindi mapakali pag nawawala ako nang matagal sa tabi mo, ha," biro ni Henry sa babaeng mahal niya. "Huwag kang mag-alala at babalik agad ako kinahapunan at saka isasama ko rin sa pagbabalik dito ang nakababata kong kapatid na lalake.  Mahilig sa Knorr Sinigang 'yon kaya tiyak magugustuhan din no'n ang luto mo Aryanna."
          "Sigi ingat ka sa pagbaba mo sa bundok, basta sa hapon ay aasahan kong nandito ka na, maghihintay kami sa pagbabalik mo," paalala ni Aryanna.
           "Ba-bye na anak, aalis na si daddy..." paalam nito sa anak sabay halik sa pisngi nito.
           Mga ilang oras pagka-alis ni Henry ay may mga nararamdamang mga kaluskos si Aryanna sa paligid ng bahay nila.  Sumilip siya at nabatid niya na malapit nang dumating ang araw na kinatatakutan niya.  
           "Kuya ang ganda pala nitong bahay niyo ah ang laki kahit nasa itaas ng bundok nakatayo," pansin ng nakababatang kapatid ni Henry.
            "Buti't nagustuhan mo ang lugar namin, maganda rito malawak ang lugar at presko ang hangin," sagot nito sa kapatid. "Aryanna! Andito na ako, asan ka ba ba't hindi mo ako sinasalubong gaya nang ginagawa mo palagi tuwing dumarating ako mula sa bayan?"
             "Pasensya na may ginagawa kasi ako sa loob ng bahay," sagot ni Aryanna habang panay ang tingin sa palibot ng kanilang bahay.  "Dali, pumasok na agad kayo sa loob ng bahay Henry."
            "Ito nga pala ang nakababatang kapatid ko Aryanna."
            "Kumusta..." bati ng kapatid ni Henry na naka-Levi's Jeans.
            "Dalian niyo na pasok na kayo sa loob ng bahay," nagmamadaling utos ni Aryanna sa dalawa.
            Pagkapasok ng tatlo sa loob ng bahay, "May problema ba, ba't mukhang alalang-alala ka Aryanna, ha?" mabilis na tanong ni Henry. "At ba't ka ba lingon ng lingon sa paligid na parang may kinatatakutan ka?"
            "Nahanap na nila ako Henry, alam na nila kung saan ako nagtatago at nag-aalala ako na baka madamay ka pa kaya mas mabuti pang dalhin mo na si Xander pababa  ng bundok at iwan niyo na akong mag-isa rito.  Dahil tiyak ko na mamayang gabi ay darating na sila para tapusin na ang buhay ko.
          "Hindi kita iiwan dito Althea kahit anong mangyari ay magsasama tayong tatlo nina Xander, hindi ako papayag na magkahiwa-hiwalay tayo."
           "Ano bang pinag-uusapan ninyong dalawa kuya, at parang natatakot na tuloy ako?" sabat ng kapatid ni Henry.
           "Di ba sabi ko sa iyo dati pa, hindi pangkaraniwang babae si Althea." 
           "Oo nabanggit mo nga sa akin, pero hindi mo naman naipaliwanag kung baket." sagot ng kapatid.
           "Si Althea ay isang manananggal, pero isa siyang mabuting nilalang, hindi siya nanakit ng tao," paniniguro nito sa kapatid.
           "Linoloko mo yata ako kuya, papaanong ang ganitong kagandang babae ay magiging isang manananggal, ha?"
           Ipinaliwanag ni Henry at Aryanna ang lahat sa kapatid ni Henry. Subalit matapos nitong marinig ang lahat ay parang hindi pa rin ito makapaniwala.
           "Totoo ang lahat nang sinasabi namin sa 'yo, maniwala ka," sabi ni Henry.
           "Bumaba na kayo ng bundok hanggat may oras pa Henry, iwan niyo na ako rito, iligtas mo ang anak natin, pakiusap," pagsusumamo ni Althea.
           Pero nagmatigas si Henry at nanatili ito sa loob ng kanilang bahay hanggang sumapit ang gabi.
           "Wala nang oras Henry hindi na tayo makakalabas ng bahay, nararamdaman ko nang andito na silang lahat, nagmamatyag sa labas ng bahay natin."
           "Magtago na kayo sa itaas ng bahay may mapagtataguan kayo doon, maiwan na ako rito sa baba, sigi na umakyat na kayo, pakiusap," pagsusumamo ni Althea kay Henry.
           "Hindi, hindi kita iiwan, dito lang ako sa baba at sasamahan kita kahit na anong mangyari.  Kapatid, kayo na lang ni Xander ang magtago sa itaas ng bahay, kargahin mo si Xander at magtago kayong mabuti," utos nito sa kapatid.
            "Sigi kuya ako nang bahala sa pamangkin ko, magtatago kaming mabuti."
            Umakyat agad sa itaas ng bahay ang kapatid ni Henry, at mula sa pinagtataguan nila ni Xander ay natatanaw niya ang kapatid  
na si Henry at si Althea. Maya-maya ay nakarinig sila ng mga kaluskos sa bubungan at kalabugan sa kung saan-saang bahagi ng bahay. At bigla na lang nagpasukan ang mga nakakatakot at masasamang aswang at manananggal.
            "Maawa kayo, ako na lang ang patayin niyo, huwag niyo nang idamay ang asawa ko..." pakiusap ni Aryanna sa napakaraming mga manananggal.  Subalit hindi siya pinakinggan at agad na nilusob ng isang mananggal. Mabilis namang sumaklolo si Henry para ipagtanggol ang asawa subalit agad siyang sinakmal sa leeg ng isang mananggal, natumba agad si Henry habang pilit na inaabot ang mga kamay ni Aryanna.  Hanggang sa malagutan na ito ng hininga. Tapos si Aryanna naman ang pinagtulungang kagatin ng mga manananggal, ilang sandali lang at nawalan na rin ito ng buhay. Kitang-kita ng kapatid ni Henry ang lahat ng kahindik-hindik na mga pangyayari.  Takot na takot siya at hindi malaman kung anong gagawin.  Hawak-hawak pa rin niya ang batang si Xander.  Napansin niyang umiiyak ito habang pinagmamasdan ang mga nangyari sa kanyang mga magulang. Ilang sandali lang ay napansin ng isang manananggal ang pinagtataguan nina Xander at dali-dali itong lumipad patungo sa kinalalagyan nila. 
         Nabitawan ng kapatid ni Henry si Xander sa sobrang takot nito sa papalapit na manananggal.
         Patuloy na umiiyak ng tahimik ang batang si Xander habang pinagmamasdan ang papalapit na manananggal, handa nang lapain silang dalawa.
         Biglang sumigaw ang batang si Xander, "Xander!"
         Nagulat ang kapatid ni Henry sa nasaksihan kay Xander, mula sa kanyang kinalalagyan.  Biglang naging kalahati ang katawan ng bata habang bahagyang nakaangat ito sa sahig. Umangat pa ito ng umangat nakita niyang may kung anong asul na liwanag na lumabas mula sa harapan ng bata. Gumalaw at tumama sa papalapit na manananggal. Nalusaw kaagad ito at naging abo. Matapos ay sabay-sabay na nagdatingan  ang napakarami pang mga aswang at manananggal.  Subalit agad na lumabas muli ang asul na liwanag mula sa harapan ni Xander.  Isa-isang tinamaan ang mga aswang at manananggal at isa-isa rin itong nalusaw at naging abo.  Maya-maya lang ay naubos agad ang mga aswang at manananggal, napatay silang lahat ng nag-iisang si Xander.  Maya-maya ay nagliyab na ang buong bahay na naging saksi sa kahindik-hindik na mga pangyayari.
           Takot na takot pa rin ang kapatid ni Henry, hindi pa rin siya makakilos.  Nakita niyang agad na lumipad ang kalahating katawan ng batang si Xander patungo sa kanyang direksyon.  Natakot siya dito.  At naramdaman na lang niya na may kumapit sa kanyang dalawang balikat. May naramdaman siyang dumampi at humawak sa kanyang dalawang balikat pero hindi niya ito makita. Dinagit ng batang si Xander at inilipad papalabas ng nagliliyab na bahay ang kapatid ni Henry. Habang nasa himpapawid nakikita ng kapatid ni Henry ang kalahating katawan ng bata.  Subalit papanong nadagit siya nito, gayong wala naman itong mga paa habang lumilipad.  Ramdam na ramdam niyang may mahigpit na nakakapit sa dalawa niyang balikat pero hindi niya ito makita. Pilit niyang inalam kung ano ang nakakapit na iyon, pero wala talaga siyang makita.
          Maya-maya lang sa di-kalayuan ng nagliliyab na bahay, dahan-dahang inilapag ng batang si Xander ang kapatid ni Henry.
         Nang tuluyan nang sumayad ang mga paa ng kapatid ni Henry sa lupa ay agad siyang napaupo.  Subalit buong tapang siyang tumayo at hinawakan ang itaas na bahagi ng katawan ni Xander.  Papanong nakalipad ang batang ito gayong wala naman itong mga pakpak.  Takot na takot pa rin siya at dahan-dahan siyang kumapa sa ibaba ng katawan nito.  Naramdaman niyang may dalawang binti ang mga ito, maging ang dalawang mga paa ay naramdaman din niya. Unti-unti ay napagtanto niyang ang ibabang bahagi na katawan ni Xander ay hindi nakikita, hindi ito putol gaya ng ibang masasamang manananggal. 
         "Xander!" sigaw ng bata habang hawak-hawak ng kapatid ni Henry.
          At biglang lumitaw ang mga paa at binti nito. Nabigla ang kapatid ni Henry sa biglang paglitaw ng mga paa ng bata. bumagsak at napaupo ito sa lupa karga-karga pa rin ang bata.